Today is Sun, March 24, 2019

Muelle Bay pinakamaganda sa buong mundo

Source: BALITA, Abril 25, 2005

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Kinilala sa isang international forum sa Vietnam ang Muelle Bay ng Puerto Galera bilang isa sa "world’s most beautiful bays" kamakailan.

Nakamit ng Puerto Galera ang pandaigdigang pagkilala nang makompleto ang mga kinakailangang dokumento na dumaan sa isang masusing pagsusuri ng mga eksperto sa baybaying dagat.

Ayon kay Puerto Galera Mayor Aristeo Atienza, ang pagkakahirang at pagkilala sa Muelle Bay ay isang akreditasyon hindi lamang sa Puerto Galera o sa Oriental Mindoro kundi maging sa buong bansa sa larangan ng turismo at likas na yaman.

Sinabi pa ni Atienza na ang Muelle Bay ay nag-iisa sa Pilipinas na napasama at mahirap mapabilang sa ganitong kataas na international category kaya isa itong pagpapatunay ng kagandahan at kalinisan ng mga likas na yaman ng lalawigan.

Napasama sa world’s most beautiful bays ang Puerto Galera sa pagnomina ni Hubbert D’Aboville, chairman ng isang non-government organization na nagtataguyod sa turismo at kabuhayan ng iba’t ibang bansa.

"Sa pamamagitan ng pagkilalang ito, nabigyan ng pagkakataon ang Puerto Galera upang mapabilang sa hanay ng mga kinikilalang tourist destination sa buong mundo," ani Atienza.

Tinanggap nina Mayor Atienza, D’Aboville at Councilor Daniel D. Enriquez, kasama ang isang kinatawan ng national press ang katibayan ng pagkilala sa Vietnam noong Marso 30 na inaasahang magiging daan upang lalo pang lumakas ang industriya ng turismo sa Oriental Mindoro.